Mula pa naman noon, ang tao ay kinakahon na. Minamaliit, pinapaliit at nilalagyan ng depinisyon. Ito ka. Ganito ka. Ito lang ang alam mo. Hanggang diyan ka na lang.

Sa buhay, maaari kang makasalamuha ng dalawang uri ng tao: una ay ang mga taong makatao at ang ikalawa ay ang mga tagawasak ng pagkatao.

Ang huli ay yaong mga tao na nangmamaliit ng kanilang kapwa, sa salita o sa isipan man. Ang kanilang biktima ay ang mga taong “hindi umano nila katulad.” Ang madalas nga na biktima nila ay ang mga taong hindi marunong mag-ingles. Ang pakahulugan ng mga tagawasak ng pagkatao sa ganito ay bobo o tanga. Ngunit sa paanong paraan naging pamantayan ang pagkaalam sa Ingles ay pagiging matalino na?

Nakababahala ang mga ganitong tao na iginupo ng kababawan at kahangalan.

Hindi nakatutulong ang dami ng bokabularyo sa Ingles sa pagpapaputi ng budhi. Kaya sa susunod na husgahan niyo ang mga taong hindi marunong mag-ingles o hindi madalas gamitin ang wikang ito o hindi tama ang pagkakagamit dito- ay kumuha kayo ng Zonrox at ibuhos niyo sa mga budhi niyo!

Kaya nadaragdagan ang mga taong nawawalan ng tiwala sa sarili, dahil sa kahangalan niyo. Ang sarap pagsasampalin ng Tide Bar (free ad na naman, libreng 1 year supply naman diyan ng Zonrox at Tide o hahaha).spokening dollar

 

 

 

 

 


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

 

 

 

Rose

Minamasdan ko ngayon ang rosas na ibinigay sa akin kahapon. Anong rikit at sigla ng kulay nito. Anong pula na tila nag-aalab sa pangarap. Anong tapang ng mga tinik sa tangkay. Anong rikit. Anong sigla.

Kahapon lang… oo kahapon lamang anong rikit at sigla niya. Ngunit ngayon, naglaho na na tila hindi ito ang minasdan kong rosas kahapon.

Natalos ko na tulad ng rosas, gayun din ang tao. Ngayon, anong rikit at sigla natin. Ngunit bukas, maaari tayong takasan ng mga katangiang ito.

Dahil tulad ng rosas, ang tao ay tinatalikuran din ng ganda. Nauubusan din ng sigla. At sa huli, tulad ng rosas, ang tao ay nangangawala rin.

Tulad ng rosas… mamumulaklak ka’t tatakasan din ng buhay kinalaunan.

Maaaring abutin ka ng 75 na taon. O maaari rin namang 24 na taon. O maaari rin namang hanggang bukas ka na lang. Hindi natin mababatid. Minsan hindi natin mababatid.

Dahil minsan, ang tao ay tulad din ng rosas na minasdan ko kahapon.


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

Kung may mukha lamang ang mga salita, siguro’y nangiwi na sila sa maling gamit mo sa kanila.

Kung makakapagsalita lamang ang mga salita, sasabihin nila “Aba aba, gumising ka iha, hindi sila ang kontrabida sa sarili mong istorya. Ikaw ang pumili ng landas mo, ikaw ang nagdesisyon ng lahat ng ito.”

Ikaw na ang nagkamali, ikaw pa ang nagmamalaki? Ikaw na nga ang bumali ng tiwala, ikaw pa kamo ang naapi?

Tunay nga, na isang malabong panaginip pa rin ang paglawak ng iyong isipan. Nakakaawa ka. Kasi nagsawa na ako. Napagod na sa pag-intidi sa’yo.

Minsan, may mga tao talagang mapapagod ka na lang na maging bahagi sila ng mundo mo.

Dahil ang pang-unawa ay nauubos din. Ang pagpapatawad ay may hangganan din. Ang pang-aabuso ay natatapos din.

Nasaan na nga ba ang mga “paninindigan” na iyo kamong tangan? ‘Di ko masilayan. Marahil, pinaniwala mo lamang ako noon na mayroon ka nito, ngunit nang mag-umaga na, nasilaw ako sa sinag ng itim na tumambad sa akin. Isa kang huwad. At nagpapanggap na bida sa isang istorya sa pelikula.

Dahil una, wala ka sa pelikula na gagawa nang paraan para umayon sa’yo ang simpatya ng nakapapanood nito.

Pangalawa, maaaring isa kang artista, ngunit hindi ka bida. Dahil hindi sa’yo umiikot ang mundo.

Pangatlo, hindi kami kontrabida. Dahil kailan naging kontrabida ang mga taong ang inasam lang ay mapabuti ka?

At ngayon, sa hindi birong ikot ng mga pangyayari, paano ka humaharap na walang bakas ng pagsisisi? At ang pinakamasaklap sa lahat, gusto mo pa yatang kaming lahat ay pumalakpak?

Dati pa ‘ko nangamba sa uri ng ugali’t pakikitungo mo sa iyong ina. Ngunit, pinatawad at piniling paniwalaan ka. Ngunit ngayon, hanggang dito na lang. Dahil ayoko na.

Napagod na akong paniwalaan ka.

Kung may mukha lamang ang mga salita, siguro’y mapapailing na lamang ito.

At kung makakapagsalita lamang ang mga salita, sasabihin nila “Aba aba, nakita mo na ba talaga ang sarili mo sa salamin iha? Dahil matapos ang isang taon, ang klase bang anak na nanaisin mo, ay tulad ng pagiging isang anak mo?”

Black Apple


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.