Archive for August, 2015

Kung may mukha lamang ang mga salita, siguro’y nangiwi na sila sa maling gamit mo sa kanila.

Kung makakapagsalita lamang ang mga salita, sasabihin nila “Aba aba, gumising ka iha, hindi sila ang kontrabida sa sarili mong istorya. Ikaw ang pumili ng landas mo, ikaw ang nagdesisyon ng lahat ng ito.”

Ikaw na ang nagkamali, ikaw pa ang nagmamalaki? Ikaw na nga ang bumali ng tiwala, ikaw pa kamo ang naapi?

Tunay nga, na isang malabong panaginip pa rin ang paglawak ng iyong isipan. Nakakaawa ka. Kasi nagsawa na ako. Napagod na sa pag-intidi sa’yo.

Minsan, may mga tao talagang mapapagod ka na lang na maging bahagi sila ng mundo mo.

Dahil ang pang-unawa ay nauubos din. Ang pagpapatawad ay may hangganan din. Ang pang-aabuso ay natatapos din.

Nasaan na nga ba ang mga “paninindigan” na iyo kamong tangan? ‘Di ko masilayan. Marahil, pinaniwala mo lamang ako noon na mayroon ka nito, ngunit nang mag-umaga na, nasilaw ako sa sinag ng itim na tumambad sa akin. Isa kang huwad. At nagpapanggap na bida sa isang istorya sa pelikula.

Dahil una, wala ka sa pelikula na gagawa nang paraan para umayon sa’yo ang simpatya ng nakapapanood nito.

Pangalawa, maaaring isa kang artista, ngunit hindi ka bida. Dahil hindi sa’yo umiikot ang mundo.

Pangatlo, hindi kami kontrabida. Dahil kailan naging kontrabida ang mga taong ang inasam lang ay mapabuti ka?

At ngayon, sa hindi birong ikot ng mga pangyayari, paano ka humaharap na walang bakas ng pagsisisi? At ang pinakamasaklap sa lahat, gusto mo pa yatang kaming lahat ay pumalakpak?

Dati pa ‘ko nangamba sa uri ng ugali’t pakikitungo mo sa iyong ina. Ngunit, pinatawad at piniling paniwalaan ka. Ngunit ngayon, hanggang dito na lang. Dahil ayoko na.

Napagod na akong paniwalaan ka.

Kung may mukha lamang ang mga salita, siguro’y mapapailing na lamang ito.

At kung makakapagsalita lamang ang mga salita, sasabihin nila “Aba aba, nakita mo na ba talaga ang sarili mo sa salamin iha? Dahil matapos ang isang taon, ang klase bang anak na nanaisin mo, ay tulad ng pagiging isang anak mo?”

Black Apple


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

Nag-uunahan ang mga letra
Sa pagbuo ng mga salita
Mga salitang gustong kumawala
At isampal sa kanyang mukha.

Panibugho ang sinapit
Nang sinubukang igiit
Mga suhestiyong kaakit-akit
Hinarang niyang pilit.

Ano’t tinig mo lang ang narinig
Nasaan ang demokrasyang ibig
Iba ang baluktot sa tuwid
Yaong una yata ang ‘yong hilig.

Di lang yan may isa pa
Nasa kanan kong silya
Upong inosente’t bida
Ngunit hunyango pala.

Ang katauha’y nag-iba
Mga paninindiga’y nabura
Iniwan akong nag-iisa
Tiwala ko’y tinapon niya.

O ang tao nga naman
Hindi tao kung minsan
Di magamit ang isipan
Paggamit ng puso’y iniiwasan.

Marahil mali ang umasa
Na malawak ang isip ng kasama
Anumang buti ng nasa
Balik lang nito ay dusa.

Nauna man sila ng isang taon
Di ibig sabihin ako’y pakakahon
Di susunod sa alon
At di patatangay na tila dahon.

Kumawala na ang mga letra
Nabuo na ang mga salita
Mananatili ang lahat sa ‘king diwa
Sa papel, hangi’t kalakhang Maynila.

 

0


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.