Archive for February, 2014

Ang pamumuno (leadership) ay hindi na bagong tugtugin sa ating mga taenga. Maraming ulit na natin itong narinig at minsan pa’y naging bahagi mismo nito.

Ngunit nababatid nyo ba na ang posisyon sa organisasyon ay hindi garantiya para makamtan ang matamis na pagkakakilanlan bilang “lider?”

Oo, hindi sapat ang posisyon. Ang katungkulan mo ay oportunidad lamang na mapagyaman ang sariling kapasidad sa pamumuno (kung mayroon man). Ang katungkulan ay daan lamang. Ang posisyon mo ay lebel lamang. Lebel pa lamang, wala ka pang napapatunayan.

Kaya naman gayon na lamang kapait makita o masaksihan ang mga nang-aabuso at nagmamayabang na nilalang gamit ang kanilang mga posisyon. Pama-gobyerno man yan, sa ekswelahan, sa kumpanya o sa sariling tahanan. Minsan pa’y maririnig mo sila gamit ang linya na, “ako, hindi ko naman basta narating ang posisyon na ito…. blah blah blah.”

Narating?

Ang kaganapan (fulfillment) ng katungkulan nila ay animo’y nagsimula at nagtapos dahil sa pagkamit ng posisyon. Minsa’y nangangalit ako sa mga taong ganito. Mga taong naging mataas lamang ang mga tingin sa sarili dahil sa pagtingin ng mababa sa mga tao sa “ibaba.”

Gayon ba ang ibig sabihin ng pamumuno? Bago mo ituring ang sarili na lider kuno, ay paghusayan mo munang mapagyaman ang iyong sarili. At matuto ka munang magbigay halaga sa iyong nasasakupan (put value in other people). Dalawa lang iyan sa pangunahing katangian na kung wala sa iyo ay gumising ka na sa katotohanan na wala kang maidudulot na mabuti sa organisasyon at sa iyong nasasakupan sa katagalan.

Sa mga huwad na lider, tigilan nyo na ang pagpapatawa, dahil ang gawi at salita nyo ay nakakatawa talaga. At lalo nang huwag na huwag nyo akong gagawing tanga, dahil maigi kong ginagamit ang cerebrum ko sa pag-iisip ng maayos.

Kaya nga nabatid ko ang pagiging huwad mo. At hindi magtatagal tuluyan ka nang malalagutan ng bait sa pagkakalunod mo sa iyong pinakamamahal na posisyon.

Nawa’y masagip mo pa ang iyong sarili.

Palarin ka sanang mapasa-iyo ang kalinawagan ng katauhan.

BossVSLeader

 

 

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

Blanko.

Blanko ang tinatakbo ng isip ko ilang segundo bago ko pindutin ang keyboard na ito.

Blanko.

Kapag ganito, ayon sa kanila, ito daw ang mga taong hangin lamang ang nasa isip. Hindi ukupado. Tila ang hangin, ay usok ng sigarilyo.

Blanko.

Bakit naman kay negatibo? Kung gayon, kapag blanko ay negatibo?

Blanko.

May anyaya sa salitang blanko. Kaya tatawagin nyo na akong Bb. Blanko.

Blanko.

Kamusta kayo, anong sadya sa pagpapatuloy ng pagbasa nito?

Blanko.

Interesante hindi ba kaya heto’t nagsusulat pa rin ako.

Blanko.

Saan tutungo ang blankong isip ko.

Blanko.

Paano namumuhay ang taong blanko.

Blanko.

Huwag nyong kalilimutan si Bb. Blanko.

Blanko.

Dahil siya ay repleksyon mo, na minsa’y isa ring blanko.

Blanko.

Bubuhayin ko ang katauhan ni Bb. Blanko.

Hintayin nyo si Bb. Blanko.

Bb. Blanko.

 

Blanko.

 

 

PS: Sa paghahalungkat ko ng aking mga lumang sulatin, nakita ko ang isang ito. Naisulat noong Oktubre 2011.

keep-calm-and-stay-single-2014

Ang puso ko ay malaya, maramot at matigas

Ang dilag na ito ay walang kinikilalang batas

Kung ikaw ay mahina, marupok at walang lambing

Huwag nang tumuloy na ako’y iyong suyuin.

 

Hindi ko kailangan ng napakamabait

Ang nais ko ay yaong marunong mag-isip

Kayang ipaglaban mga ideya at prinsipyo

Sa huli ang mahalaga ay paglago ng pagkatao.

 

May ilan nang kumatok at nagpumilit pumasok

Marapat na malaman mo na ang puso ko ay pakipot

Ngunit maaari rin namang di ka talaga irog

Sa kasikatan ng pangangalunya di ko nais mabilog.

 

Sa mga napalapit kay dami ko ring natutunan

Sa pagbuo ng ideya sa kanila ko hiniram

Mga gawi at pag-uugali na pakikisamahan

Nalaman ko kung ano ang kaya kong pakitunguhan.

 

Sa palasyo ng hari, di ko nais mamalagi

Ang mundo ng pantasya ay hindi ko pinili

Dahil noo’y may prinsipe akong nakilala

Na ang nais lang ay halik at haplos ng dalaga.

 

Ang puso ko ay nakalaan sa ginoong matapang

Sa yayakap ng aking buong katauhan

Sa may maalab na pag-ibig sa buhay at pangarap

O magkita tayo sinta sa hinaharap.

 

 

PS: Maligayang araw ng mga puso! Kayo, kumusta ang mga puso nyo? 😉

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.