Nag-uunahan ang mga letra
Sa pagbuo ng mga salita
Mga salitang gustong kumawala
At isampal sa kanyang mukha.

Panibugho ang sinapit
Nang sinubukang igiit
Mga suhestiyong kaakit-akit
Hinarang niyang pilit.

Ano’t tinig mo lang ang narinig
Nasaan ang demokrasyang ibig
Iba ang baluktot sa tuwid
Yaong una yata ang ‘yong hilig.

Di lang yan may isa pa
Nasa kanan kong silya
Upong inosente’t bida
Ngunit hunyango pala.

Ang katauha’y nag-iba
Mga paninindiga’y nabura
Iniwan akong nag-iisa
Tiwala ko’y tinapon niya.

O ang tao nga naman
Hindi tao kung minsan
Di magamit ang isipan
Paggamit ng puso’y iniiwasan.

Marahil mali ang umasa
Na malawak ang isip ng kasama
Anumang buti ng nasa
Balik lang nito ay dusa.

Nauna man sila ng isang taon
Di ibig sabihin ako’y pakakahon
Di susunod sa alon
At di patatangay na tila dahon.

Kumawala na ang mga letra
Nabuo na ang mga salita
Mananatili ang lahat sa ‘king diwa
Sa papel, hangi’t kalakhang Maynila.

 

0


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

theater masks

Mapanlinlang ang ngiti ng ilan. Sa iyong pagtalikod, matalim na mga pananalita ang sa iyo ay pinauulan.

Ang tulad nila ay mga taong dapat mong mataman na tingnan. Mga hunyango na hangal. Akala mo’y santong walang bahid ng kasalanan. Nakakakilabot kung sila’y naririyan.

Huwag magpasilaw sa liwanag ng kanilang palabas. Magaling umakto. Higit sa lahat, magaling magmagaling.

Nagugulumihan ka man ngayon sa kung ano ang dapat mong gawin, huwag mag-alala dahil ang bawat palabas ay may hangganan din. At sila’y matatalisod sa katotohanan. At ang liwanag ng reyalidad ang magbubunyag ng itim ng kulay ng kanilang pagkatao.

Now Showing: Hunyango na Hangal

Coming Soon: Itim ang Tunay mong Kulay

The End

Trust

Minsan, hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang tinatakbo ng ating buhay. Minsan, walang salitang maiuugnay sa kasalukuyang niyayakap ng ating puso’t isipan.

Marami kang nais simulan. Gawin. Tapusin. Ngunit maraming pagkakataon na mapaparaliso ka na lamang nang di mo namamalayan. Mapapabuntung—hininga. Dahil matapos ang ilang araw, ilang linggo at ilang buwan, isa pa ring plano ang mga mithiin mo. Wala pa ring progreso.

Maraming salik ang nasa llikod nito.

At kung ano man ang mga ito, nawa’y maging mahinahon at mapagpasensya ka sa iyong sarili.

Nawa’y matagpuan mo ang kapayapaan, kahit na minsan, mas maingay pa ang iyong isipan kaysa sa iyong kapaligiran.

Nawa’y makita mo sa tuwina ang kabuuan ng iyong layunin. At huwag magpabulag sa mga luha na tumatabing sa iyong paningin.

Nawa’y magpahinga ka sa mga panahong hapo at pagod na ang iyong katawan at isipan. Puwede namang huminto. Huwag lang sumuko.

At kung dumilim man ang iyong paligid at puro pagdududa ang iyong marinig, nawa’y alalahanin mo na ang buhay mo ay isang pagtitiwala na iniatang sa iyo.

Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat ng pagtitiwala sa buhay at mga abilidad na ito. Ngunit pinili Niya pa ring pagkatiwalaan tayo.

Tandaan mo…

Kung sa palagay mong wala nang naniniwala sa’yo, may ISA na higit pa sa lahat ang nagtitiwala sa’yo.


*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.