Archive for November, 2013

Kamakailan lang, natagpuan ko ang sarili na nakikipagdayalogo tungkol sa tamang edad ng pagpapakasal ng babae.

Ang paniniwala ng aking mga kausap ay parang dapat daw as soon as possible (may lakad yata). Na akin namang kinontra dahil base sa aking mga prinsipyo sa buhay, hindi ito naaayon.

Nagugulumihan ako sa nais nilang patunguhan. Sa totoo lang.

Naisip ko, iyun kayang pinagsasabi nila ay siya rin nilang ituturo sa kanilang mga anak? “O anak, mag-asawa ka ng maaga ha. Okay lang yan anak, susuportahan kita. Iyan kasi ang tamang gawin. Sundin mo ha.”

Naniniwala ako, at tulad ng aking palaging sinasabi, tungkol man yan sa pulitika, relihiyon, at kung anu-ano pang paniniwala sa buhay- Whatever works for you, go!

Ngunit, sa pananaw ni Pinay, kailan nga ba ang ideyal na edad ng pagpapakasal? At bakit?

Nasa high school ako noon ng maisip ko na hindi ako dapat mag-asawa ng maaga. Kahit na parang iyon ang sikat na gawin ng ilan kapag natapos na ng high school. Ang usal ko sa sarili, magtatapos muna ako ng pag-aaral tapos magtratrabaho. Kaya ang tamang edad ay 25.

Dumating ako sa kolehiyo. May naging bahagi noon sa buhay ko kung saan itinuro ng aking kinabilangang organisasyon ang tinatawag na seasons of life: There’s a time to learn, time to earn, and time to get married. Dahil dito, naisip ko, gawin ko nalang 27 years old.

Natapos akong mag-aral at marami na ring natuklasan at nabago sa buhay. Naisip ko, hindi ko kayang ibigay ang eksaktong edad. Kaya nagkaroon na lamang ako ng ilang panuntunan na aking magiging sukatan. Nabanggit ko ito sa A Letter To My Future Other Half.

Ito ay maging handa sa limang aspeto: physically, emotionally, mentally, financially at spiritually.

Batid ko na walang perpektong formula sa perpektong pagbuo ng perpektong pamilya. At hindi ko rin naman layunin na maging perpekto muna ang mga bagay bago mag-asawa. Bagkus ang nais ko lamang patunguhan ay ang pag-aasawa ay pinag-iisipan. Kung puro damdamin lang at tawag ng laman ang pamantayan, higit na malaki ang posibilidad na magiging masalimuot na pamilya ang naghihintay sa iyong bukas.

At bilang babae sa modernong panahon na aking kinabibilangan, hindi na kami pantahanan lamang. Mahalaga rin na ang talento at propesyonal na aspeto ng aming pagkatao ay magamit at mapagyaman. At nasa panahon ng 20’s nagsisimula ang karera ng babae sa aspetong ito. Gayundin ang panahon kung kailan ang pagkilala sa identidad ay kritikal at sadyang napakahalaga.

Sa aking sariling pagtantya, ideyal ang late 20’s o early 30’s sa pagbuo ng pamilya. Bukod sa mga nabanggit na pamantayan, siguro naman, sa ganitong edad ay nakasalamuha ka na o nakarelasyon ng ilan upang magkaroon ng mas malalim na ideya kung ano sa tingin mo ang klase ng kapareha na makakaya mo o nanaisin mong makasama sa habang buhay.

Mahirap magkaroon ng ganitong prinsipyo.  Walang humpay ang mga tukso at alalahanin. Minsan sa buhay, kapag nagkamali, ang tadhana ang ating sinisisi. Ngunit kung makapagsasalita lamang ang tadhana sasabihin niya, “hindi ako ang may hawak ng isip mo, ikaw ang pumili nito.”

Na siya namang totoo. Kung ipinasatadhana ko ang aking desisyon noong 16 anyos ako, baka may 2 anak na siguro ako ngayon. Ngunit sabi nga nila, “take full responsibility of your life.”

Kapag naging responsable ka na sa sarili mong buhay, tsaka ka palang maaaring maging responsable sa buhay ng iba.

Bucket List Before Marriage

Kung may mga tanong po kayo na nais ibahagi, paki-padala lamang sa pinayunlimited@yahoo.com.

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

REUTERS

Larawan mula sa Reuters

Mula high school, nasubaybayan ko na ang mga laban ni Manny Pacquiao. At hindi maitatanggi na isa siya sa maniningning na pangalan na nagbigay karangalan sa bansang Pilipinas nitong mga nakalipas na taon.

Ngunit tulad ng mga dumarating na bagyo sa ating bansa taon-taon, si Pacman ay dumanas din nito. May mga balita noon na siya ay naging manunugal, nambabae, at iba pa. At sino ang makakalimot sa dalawang talo niya bago ang laban nila ni Brandon Rios? Marahil wala. Lalo na ang knockdown na nasapit niya kay Juan Manuel Marquez.

Ang lungkot ko ng araw na iyun. At nasisiguro ko na hindi ako nag-iisa. Ngunit sa pagkatalo niyang ito, may ilan na iniugnay ito sa pagpapalit niya ng relihiyon. At maging si Mommy D ay ito ang nakitang dahilan. Ang masasabi ko? Napakalaking kalokohan. Minsan ang tao, iuugnay sa kahit na anong mga bagay ang pangyayari na hindi nila gustong tanggapin o paniwalaan.

Mabuti at lumiwanag din ang pananaw ng kanyang ina. Dahil tulad ng pahayag niya at ng asawa ni Pacman, nagbago na ito. At base sa kanila, higit na naging mabuting tao.

Samantala, ika-24 ng Nobyembre, 16 na araw matapos gapiin ni Super Typhoon Yolanda ang ating bansa, dumating ang laban ni Pacman kontra Rios.

Malaki ang implikasyon ng laban na ito. Una, kung kaya pa ba talaga ni Pacman ang lumaban dala ng edad niya na 35 taong gulang? Ikalawa, siya ang simbolo o modelo na inaasahan ng ating mga kababayan na nagging biktima ng super typhoon. Bibiguin ba niya?

Kaya tanghali kahapon, binuksan ko ang radyo at nakinig ng live sa DZBB. Hindi ako nanonood sa pay per view. Sayang pera (kuripot? haha). Imahinasyon lang ang puhunan sa radyo. Sasabihin ng mga commentator: 3 punch combination, upper cut, shot to the body, job, at iba pa. Medyo nagulumihan lang ako noong round 10 na dahil sabi ng commentator: nadulas ang tuhod ni Rios. Iyun lang siguro ang nahirapan akong isipin.

Matapos sa radyo ay pinanood ko na ito sa telebisyon. Sa dami ng patalastas, pwede ka munang maligo o maglinis ng 10 kuko sa paa.

Masaya akong makita muli si Pacman. Malinaw na hindi lang siya preparado sa pisikal na aspeto. Bagkus maging sa mental. Di tulad noong laban niya kay Marquez na gigil na gigil siya na maknock out ito. Kaya sa huli, nagkaroon ng lucky punch ang kalaban at siya tuloy ang natumba.

Sa laban na ito, marami tayong matututunan. Una, magpatuloy na lumaban. Usap-usapan na dapat magretiro na si Pacman at tumigil nang lumaban. Ngunit alam ni Pacman na hindi pa katapusan ng karera niya. Kaya nagpatuloy pa rin siya.

Ikalawa, matuto sa pagkakamali. Base sa nakita ko, maraming pagkakataon na bukas ang depensa ni Rios at maaaring bigyan ni Pacman ng pamatay na suntok. O kaya naman, pagkakataon habang nahihilo pa si Rios ay lalo pa sana niyang kuyugin ng mga suntok. Bagkus, naging mas maingat si Pacquiao di tulad ng huling laban niya.

At ikatlo, piliing bumangon. Sa buhay kapag naranasan mo nang bumagsak, isa sa pinakamahirap na gawin ay bumangon. Babalik at babalik sa isipan mo ang sakit. Maaari ring magdudahan mo na ang iyong sariling kakayahan. Ngunit ang mundo ay magpapatuloy ayaw mo man o hindi. Kaya bakit hindi na lamang piliing bumangon. Lalo na’t ito ang unang hakbang sa magsulong. At kung hindi natuto si Pacman bumangon, marahil hindi niya malalasap muli ang tamis ng panalo.

At tulad ng halimbawa ni Pacman, makakaya nating bumangon. Anumang klase ng bagyo ang danasin natin sa buhay, tayo’y makakabangon.

Forbidden

Larawan mula kay Gerry Giannattasio

Sa sulyap nakikilala ang paghanga

Sa titig nakikita ang tugon sa paghanga

Kailan nasilayan ang mga makahulugang ngitian?

Bakit piniling mga damdami’y magkatagpuan?

Marahil ako lamang ang umasa sa pangalawang kabanata

O maaaring pinangarap mo rin hindi lamang makapagsalita

Subalit hindi ito ang tamang panahon

Kalagayan mo’y hindi sumasang-ayon

Kailangang tapusin ang kailanma’y hindi nagsimula

Kailangang supilin damdaming maaaring makapanira.