Dinurog Ni Super Typhoon Yolanda Ang Puso Ko

Posted: November 11, 2013 in Iniibig ko ang Pilipinas!
Tags: , , ,
PHILIPPINES-TYPHOON

Larawan mula kay Romeo Ranoco/Reuters

Paano kaya mailalarawan ang kondisyon ng isang tao na literal at di-literal na nakaranas ng bagyo?

Marahil, hindi magiging sapat ang kahit na anong salita upang mailarawan ang sakit at pighati. Marahil, mauuwi sa manhid na mga taenga ang salitang “kaya mo yan,” dahil ang totoo ay tila malayo sa katotohanan. Lalo na kung sila ay nawalan ng minamahal sa buhay.

Hindi ko maipaliwanag ang sakit ng dibdib ko habang nanonood ng balita nitong mga nakaraang araw. Naluha ako nang hindi ko inaasahan. Hindi ako madalas  umiyak. Ngunit kung magkagayon man, ang puso ko ay paniguradong naapektuhan.

Sino ang hindi bibigay ang puso kapag napanood mo ang mga senaryo na dudurog sa puso mo.Tulad ng isang pamilya na nag-iiyakan. Ang nanay na may hawak na sanggol, ang mga matatanda, ang ilang mga bata- lahat sila nag-iiyakan. Walang salita, wala. Pagtangis lang ang tanging namumutawi.

Sa isang paaralan, may ilang nanay na nag-iiyakan. Sa isang lugar na tinawag na “evacuation center” ay doon pala sasapitin ang hangganan. May mga nalunod na tao. Sa isang silid-aralan. Sa gilid. Sa dulo nito. Sa lamesa. Doon nakasampa ang mga bangkay na naghihintay upang maayos na maihimlay.

May isang ama , naglalakad. Sa kanyang bisig nandoon ang tila walang malay na bata. Iyun daw ay kanyang anak. Anim na taong gulang na babae. At patay na.

May isang batang babae. Naglalakad sa kalye matapos humupa ang bagyo. Hinahanap niya ang kanyang ama na namasada ng tricycle sa kasagsagan ng bagyo. Wala kasi silang pangkakain. Kaya nagtrabaho pa rin. Ngunit hindi na siya nakabalik. Usal ko, sana po ay buhay pa ang tatay niya.

May isang mamamahayag, na sa gitna ng trabaho ay sinubok ng nangangalit na hangin at ulan. Maiintindihan mo kung kahit sa kanyang pagkwekwento ay may luha pa ring nagpumilit lumabas. Sila ay nasa isang Cathedral. Kung saan nasaksihan nila ang unit-unting pagkakaalis ng bubungan nito. At animo’y nagbabanta na sila ay babawian ng buhay sa mismong istruktura na itinuring nilang ligtas.

Kung ikaw ay tao, ang makapanood ng ganitong mga senaryo ay tunay tatagos sa puso mo. Isama mo na rito ang pinsala na natamo nila, hindi lang sa pisikal at pinansyal, bagkus pati mental, emosyonal at isama na rin siguro ang ispirituwal.

At dahil sa kawalan na rin ng makakain, ang ilan ay nagnakaw na sa ilang mga establisyamento. Nakapanlulumo. Inisyal kong naisip, “mali ito.” Ngunit paano natin masisisi ang mga taong ito na pagal na at hapo ang isip at katawan. Totoo nga kayang ang mga taong gutom ay nakakakita ng malabo na linya sa pagitan ng tama at mali? Ang sakit isipin na marahil oo.

Walang nangarap na makaranas ng sigwa at bagyo. Walang tao na nagnais na maranasan ito. Ngunit tulad ng paglubog at muling pagsikat ng araw, hindi natin ito kontrolado. Walang nagsabi na magiging madali ang mga bagay, ngunit nasa ating mga kamay ang pagpili na magpatuloy at sumuong sa kalsada ng buhay.

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner (Romeo Ranoco/Reuters).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s