Sa tapat ng aming tahanan… ako ay naghihintay.

Hindi ko na namalayan kung ilang oras na akong nakatunghay doon. May ilang tao na nagsabi na umalis na raw ako at tatawagin na lamang kung sa akin ay may kailangan. Ngunit animo’y natilos na ako sa aking kinatatayuan. Wala na akong maramdaman. Para akong nasa kawalan. Manhid na yata ako. Hindi ko na rin sila gaanong marinig. Parang may nagsasalita ngunit hindi ko talaga sila marinig.

***

Kahapon lang, ipinagdiwang ko ang aking ika-labing limang taong kaarawan. Wala namang handa, ngunit mas gusto ko pa ring sabihin na “ipinagdiwang.” Kasi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ako ng regalo. Si Nanay binigyan ako ng tatlong kwaderno. Ngunit hindi ito para sa klase namin. Para ito sa hilig ko- ang pagsusulat. Kasi tanging karton lamang ng sigarilyo ang aking ginagamit tuwing nagsusulat. Batid ni Nanay na pangarap kong magkaroon ng sariling kwaderno kaya heto’t tinupad niya ang pangarap ko. Hindi kasi madali sa amin ang magkaroon ng pambili kahit na para sa ganitong mga simpleng bagay lang. Kaya nagpapasalamat talaga ako kay Nanay.

Payak lamang ang buhay namin. Ang aking ina ay pumapasada ng side car diyan sa may bayan. Habang si Tatay naman ay nangibang-bahay. Aaminin ko kinamumuhian ko ang aking Tatay. Wala kasi siyang ginawang tama para sa amin. Paglaki ko hindi ko siya gagayahin. Dahil hindi siya naging mabuting ehemplo at nananakit pa siya. Mabuti’t wala na siya sa buhay at bahay namin. Hindi na magulo at maingay. May kapayapaan na. Siguro ang tanging mabuting bagay lang na naidulot ni Tatay ay nang iwanan niya ang side car sa aming bahay. Marahil, natakot na rin kasi siyang bumalik. Dahil ang huling tagpo nila ni Nanay ay puro sigawan at batuhan. Para kaming nasa giyerang magkakapatid noon. Naalala ko nga si Orly, nagtago siya sa sulok ng bahay at tahimik na umiyak. Habang nakatakip ang dalawang kamay siya sa kanyang mga taenga. Nais ko na ring umiyak noon, ngunit hindi ko ito nagawa. Hindi ko kasi ito nakasanayan. Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hindi na ako apektado. Malungkot ako. Malungkot na malungkot. Kinaaawaan ko na nga aking puso dahil balot na balot na ako sa lungkot, pangamba at takot.

Samantala nang kinakagabihan kahapon, nangyari ang isa sa pinaka-importanteng bahagi ng buhay ko. Ang hindi ko malilimutang bonding namin ni Ate Olivia. Unang pagkakataon na nakakwentuhan ko siya ng matino. Madalas kasi para kaming mga aso’t pusa. Palibhasa’y wala pang dalawang taon ang pagitan namin at palaging may kompetisyon o inggitan sa amin. O kaya naman ay sadyang naiinis lang talaga kami sa isa’t-isa.

Kagabi, dahil sa lamig at lakas ng ulan hindi agad ako nakatulog. At siya rin hindi makatulog. Kaya nagkwentuhan na lamang kami. Lumapit siya sa akin at tinanong kung ano raw ang sinusulat ko. Laking pagkagulat ko. Ang alam ko kasi hindi siya interesado sa mga sulatin ko. Tiningnan ko siya ng ilang segundo at tsaka lang ako nagsalita.

“Ate.. ano a.. ano.. a tu tula,” pautal-utal kong sagot.

Ngumiti siya at kinuha ang kwaderno sa akin.

“Sa Iyong Tingin,” basa niya sa pamagat ng tula ko. “Aba, para kanino ‘to ha,” pang-aasar niya.

Napangiti na rin ako dahil maganda ang ngiti niya. Madalas kasi hindi naman siya natutuwa sa akin. Siguro hindi ko rin siya masisisi. Minsan kasi, may pagkasalbahe talaga ako. Lalo na sa ulam. Mas nilalamangan ko siya o sila palagi. Kung may limang itlog na pagpipilian, una akong mangunguha at ang pipiliin ko ay yung pinakamalaki. O kaya naman, kapag instant noodles ang ulam, papaapawin ko ang sabaw sa mangkok ko. Ewan ko ba. Hindi ako sigurado kung makasarili ba talaga ako. Pero baka nga. Kasi laging matalim ang tingin sa akin ni Ate e. Maliban sa gabing ito.

“Uy, para kanino ‘to ha? Sa crush mo?” pag-pukaw ni Ate Olivia mula sa pag-iisip ko.

“Ano… hmmm oo. Pero huwag kang maingay Ate ha,” wika ko sa kanya kasabay ng malakas na dagundong ng kulog.

“Ha? Ano yun?” malakas na tanong ni Ate.

“Ang sabi ko, huwag mo sasabihin Ate ha, na may crush ako,” tugon ko.

“Oo naman. Teka, basahin ko nga ‘to,” nasasabik niyang sagot sa akin.

Sa likod ng misteryosa mong tingin

Sa bawat di inaasahang baling

Mga mata mo’y may ibig sabihin

Ikaw ba’y may tinatagong lihim?

“Aaaaaaw,” kinikilig na sambit ni Ate. Hindi ko alam kung maiinis ako sa kanya kasi gabi na at baka magising si Nanay sa tili niya. O matutuwa dahil naaliw ako sa reaksyon niya.

“Teka, para kanino ba ‘to ha?” tanong niya nang mahimasmasan na.

“Para kay Irma Te,” sagot ko. Si Irma ay kapit-bahay namin.

May isang oras o higit pa siguro ang aming naging pag-uusap. Marami kaming napag-usapan. Mula sa crush ko, pati ang crush niya, tungkol sa bagyo, sa maputik na kalsada, sa pagsusulat ko, tungkol sa tatay namin, sa trabaho ni Nanay at kung paano siya matutulungan, tungkol sa naging kalungkutan ni Ate nang hindi siya nakapagpatuloy sa kolehiyo, tungkol sa dalawang nakababatang kapatid namin na dapat igapang para sila ang makapagkolehiyo, at kung anu-ano pa.

Naunang nagpaalam si Ate na matulog. Samantalang ako, nanatili pang gising dahil dumapo ang inspirasyon sa akin na magsulat ukol sa pambihirang kasiyahan ko sa araw na iyun.

Nang antukin ako, bago ko ipikit ang aking mga mata, nakaramdam ako na animo’y sasabog ang dibdib ko sa kasiyahan. Parang kumpleto na ang buhay ko. Nagpasalamat ako at umusal ng dasal. Hindi ko ito nakasanayan pero espesyal kasi ang araw na iyun, kaya nakipag-usap ako sa Maykapal. Ang isa sa aking sinabi ay “sana palaging ganito ang aking pamilya. Masaya. Nagkakaintindihan. At magkakasama.”

***

“Owen! Owen!” may malakas na tinig na nagpabalik sa aking nalulunod na diwa. Marahan akong lumingon sa pinanggalingan ng boses. Marahan dahil wala na rin akong pampisikal na lakas. Nanghihina na ako. Palubog na ang araw at ngayon ko lang naalala na wala pa rin akong tinanghalian.

“Owen!” humahangos na wika ni Manang Conching. Mataman lamang akong nakatingin. Walang tinig na nais lumabas sa aking bibig. Parang nakalimot na ako kung paano magsalita.

“Owen…” biglang dahan ng kanyang tinig. Wala pa ring tinig mula sa akin. Wala pa rin. Kahit gusto ko sana siyang tanungin. Tanungin kung nakita na nila. Kung nakita na ng mga rescuer sina Nanay at mga kapatid ko. Gusto ko sanang malaman kung buhay pa ba sila o…

“Owen…“

Nangingilid na ang luha sa mga mata ko. Hindi ko nais na ito ay bumagsak. Hindi pamilyar sa akin ang pagluha. Pinipigilan ko. Kung pwede lang. Kung maaari sana ayokong lumuha. Kaya lang…

“Iho, nakita na sila…” wika ni Manang Conching.

“Masyadong malalim ang pagkakatabon, kaya ngayon lang nahukay,” nahihirapang sambit niya.

Marami pang sinabi si Manang Conching, pero tuluyan nang nagsarado ang pandinig ko dahil sa lakas ng aking panaghoy. Wala na rin akong makita, dahil walang tigil ang daloy ng luha sa aking mga mata. Wala na akong maramdaman, ang pighati sa aking puso ay kay lalim at tila ba ako’y nasa kawalan na. Oo. Batid kong masakit. Ngunit pakiramdam ko unit-unti na ring namamanhid ang buo kong katawan.

Parang hindi totoo. Parang panaginip. Kung sakali. Ito’y napakasamang panaginip.

Pero ang sakit sakit ng dibdib ko. Para akong tinaga sa puso at sa sakit animo’y ikamamatay ko. Buhay na buhay ang sakit. Kung gayon, hindi ako nananaginip.

O Diyos ko. Bakit ako pa?  Bakit ako pa ang nabuhay? Sana kanina hindi nalang ako sumunod kay Nanay. Sana hindi ko nalang siya sinunod na bumili ng sardinas. Sana wala na lang kaming pera pangtanghalian para di na ako lumabas pa.

O Diyos ko. Minsan lang kitang kinausap. Minsan lang akong humiling. Minsan lang! Bakit kailangang matagpuan ko ang aking sarili sa tapat ng aming tahanan… di ba sa sabi ko Sa’yo magkakasama? Hindi ganitong nag-iisa!

Sana pinakinggan Niyo na lamang ang panalangin ko kagabi. Sana hinayaan Niyo na lamang ako kanina na kasama ko sila habang yumayanig ang mundo at gumuguho ang lupa. Alam Niyo naman na magkakasama kami buong buhay namin di ba? Hindi kami nagpatinag sa mga dilubyo na dinanas namin. At hindi kami nagpatinag sa demonyong tatay namin. Lahat hinarap namin na kasama ang isa’t-isa. Kaya sana sinama mo nalang ako sa kanila kanina!

Magkakasama. Iyun lang naman ang hiling ko eh. Dahil hindi ko kaya ang mag-isa.

Kahit na araw-araw kaming nag-aaway ni Ate, araw-araw din naman kaming nagbabati. Kahit na minsan ang kukulit nila Orly at Oman, mas marami pa rin ang pagkakataon na natutuwa ako sa kanila dahil nakikinig sila sa akin kapag tinuturuan ko sila. At kahit na mas madalas ang sermon ni Nanay kaysa sa tipikal na pakikipag-usap niya sa amin, gustong-gusto ko pa ring marinig ang tinig niya. Mahal na mahal ko silang lahat. Ito ang totoong pamilya. Hindi perpekto. Magulo. Masalimuot. Mahirap. Pero totoo ang pagmamahalan na namamayani.

At ngayon, bakit kailangan kong mabuhay ng walang pamilya…

***

Dito, sa tapat ng aming tahanan… ako ay naghintay.

Hindi ko na namalayan kung ilang oras na ang lumipas nang kinuha nila ang mga bangkay. May ilang tao na nagsabi na magpahinga muna ako at tatawagin na lamang kung handa na ang burol nila. Ngunit animo’y natilos na ako sa aking kinauupuan. Wala na akong maramdaman. Para akong nasa kawalan. Manhid na yata ako. Hindi ko na rin sila gaanong marinig. Parang may nagsasalita ngunit hindi ko talaga sila marinig.

Ang Maikling Kwento na ito ay aking inilahok sa Saranggola Blog Awards 5.

Saranggola 336x280

Sa pakikipagtulungan ng:

dmci homes logo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s