(Ito ay isang bukas na liham para sa aking Ina)

 

Paano ko kaya mailalarawan ang salitang pag-ibig kung hindi kita naging ina?

Marahil imposible.  Marahil magiging malayo ang deskripsyon ko sa katotohanan. At lalong imposible na maibahagi ko ito sa ibang tao. Dahil ang malaking porsyento sa bumubuo ng aking pagkatao ay produkto ng walang kondisyong pagmamahal mo. Kung wala ka, wala akong malalaman tungkol dito.

Ang sabi nila, ang isa sa pinakadakilang pag-ibig dito sa daigdig, ay ang pag-ibig ng isang ina. Ngunit para sa akin? Ang pinakadakilang pag-ibig ay ang pag-ibig ng isang ina, na siya ring ama. At ikaw iyun Mama.

Marahil oo, sa simula ng aking kamusmasan naging mahirap ang pagtanggap ko sa katotohanan na ang ibang bata ay mayroong ama. Samantalang ako ay wala. Hindi ko naiwasan noon na mainggit at maitanong sa itaas kung bakit ako naiiba? At totoo naman na ako nga ay iba, dahil mula sa mapait na karanasan na iyun, magbubunga pala ito ng di matatawaran na aral na hindi mo makukuha sa simpleng mga araw.

Sa mundo kung saan ang lalaki ang nagdodomina, pinatunayan mo Mama na kaya mo ring gampanan ang papel na dapat ay kanilang pinupunan. Nagtrabaho ka para sa aming magkakapatid. May ilang mga panahon sa kabataan ko noon na kinailangan mong lumayo upang kumita ng pera. Kahit ang gusto mo sana ay mabantayan ang bawat araw ng aming paglaki. Nababasa ko sa mga mata mo na kung ikaw lang ang papipiliin, mas nanaisin mo sana ang manatili o magtrabaho malapit sa amin. Ngunit may ilang bagay na hindi mo kontrolado. At tinanggap mo ang mapait na katotohanang ito. At lumayo’t iniwan kami dahil higit na importante ang pangangailangan namin na makakain. Nalungkot din ako noon. Mahirap. Ngunit batid ko na apat na beses ang sakit nito para sa iyo dahil apat kaming iiwan mo.

Tunay na hindi biro ang pagganap sa papel na maging haligi ng tahanan. Hindi ito madali. Ngunit ginawa mo pa rin ng walang alinlangan. Isama mo na rito ang pisikal na kakayahan. Naalala ko noon, kapag may sirang baitang ng hagdan o bahagi ng tahanan na dapat ikumpuni, ay kay gaan lang ng martilyo at lagare sa mga kamay mo. Animo’y hasang-hasa ka na sa paggamit nito. At sisiw nalang kung baga. Sa mga lalaki ko lang nakikita ang ganoong aura. Batid ko, na handa ka sa kahit na anong paraan o bahagi ng ating buhay na gampanan ang papel ng isang Ama.

Ngunit mula pa man noon, hindi na natin naging matalik na kaibigan ang tadhana. Mas madalas na nasa kabilang panig tayo ng kaginhawaan. Nakapanghihina. Parang mas madali pa ang sumuko. Pero hindi mo ito pinili. Dahil wala ito sa bokabularyo mo. At nakakagulat. Pinagmamasdan nga kita noong kabataan ko, at nagtataka ako kung saan ka humuhugot ng tapang sa paglakad sa buhay.

Ngunit ngayon batid ko na ang sagot sa tanong na iyan. Simple lang, ngunit kumplikado ang kabuuan. Matapang ka Mama dahil pinatitibay ka ng pagmamahal mo sa amin.

Batid ko naman na kung naging mahirap man sa amin ang lumaking walang ama, higit na naging mahirap ang sitwasyon para sa iyo. Lahat ng obligasyon at responsibilidad ng isang magulang ay naiwan sa iyo.

Sa pagiging ina, ikaw ay naging napakamapagpasensya. Natutunan ko balang araw na dapat isa ito sa mga pangunahing katangian na dapat kong taglayin kapag naging ina na rin ako. Tunay na napakahaba ng pasensya mo sa akin. Dahil hindi naman araw-araw ay mabait akong anak. Napakapasaway at maldita ko noong kabataan ko. Lagi akong may katwiran. Ako ang sarili kong abogado. Sa kabila nito, araw-araw pinararamdam mo pa rin na ako’y mahal mo.

Pagdating sa pag-aaral, hindi magigiba ang pagnanais mo na makapagtapos kami sa kabila ng mga balakid. Pinansyal man o mental na balakid. Noon kapag tinamad kaming bumangon at pumasok sa eskwela, buong araw na sermon ang kapalit nun. Kaya naman sa susunod na araw ay paniguradong papasok na kami kung ayaw naming masermunan muli J. Pero kung hindi dahil sa higpit mo sa aming pagpasok sa eskwelahan, siguro hindi rin namin magugustuhan ang matuto. Kaya kung ilan mang medalya ang nakasabit sa bahay, dahil yan sa iyo Mama. Sa pagtulak mo sa amin na pumunta sa makabubuting lugar. Tama nga ang kasabihan na dapat makinig sa magulang.

At higit sa lahat, ikaw ang magulang na ay kaibigan pa. Hindi siguro uusbong ang ating pagsasamahan kung wala ang elemento ng pagkakaibigan. Sa mga panahon na may nais akong makausap higit sa aking pagsusulat, ikaw ang taenga na may pusong handang makinig. Ang luha ko ay siyang luha mo rin. Ang paghihirap ko ay paghihirap mo rin. Ang mga pinagdaraanan ko, ay pinagdaraanan mo rin.

Marahil, isang libro imbes ng liham ang magawa ko upang mapapurihan ang mga naging produkto ng pagiging dakilang ina mo. At marahil kahit pagkwentuhan natin ito ay aabutin ako ng taon upang masabi ko ang mga nilalaman ng puso’t isip ko.

Paano ko kaya mailalarawan ang salitang pag-ibig kung hindi kita naging ina? Buti na lang naging Ina kita… dahil ngayon alam ko na.

At balang araw, kaya ko na rin ang maging ina, dahil naging magaling na ehemplo ka. Salamat Mama.

 

 

Ang liham na ito ay aking inilahok sa Saranggola Blog Awards 5.

Saranggola 336x280

Sa pakikipagtulungan ng:

dmci homes logo

Comments
  1. nica jane antonio says:

    napaka ganda

  2. maganda🙂 may napulot na aral

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s