Ako ay Alipin ng mga Salita

Posted: October 2, 2013 in Ang Kwento ni Pinay
Tags: , , ,

Ako ay alipin ng mga salita. Marahil iyan ang dahilan kung bakit patuloy akong nagsusulat.

Ang pagsusulat ay abakada para sa mga musmos na bata. Ngunit sa akin, ang abakada o ABC ay hindi mga simpleng letra lamang. Dahil sa kanila, nakatagpo ako ng kaibigan sa walang buhay na mga gamit. Nakaiyak sa balikat ng mga walang imik na titik. Ang pagsusulat at panulat ay may mas malalim na importansya para sa musmos na si Kath.

Sa simula, tuluyan ang paraan ng pagsusulat na aking nakasanayan. At nang magsekundarya ay sinubukan ko naman ang pagsusulat ng mga tula. Sa huling taon ko dito, sinulat ko ang aking unang maikling kwento na may pamagat na “Makinig sa Tamang Himig.” Takdang aralin iyun sa Filipino.

Batid ko na hindi ito ang aking obramaestra. Pero naging malaki ang bahagi nito sa aking paglalakbay sa pagsusulat. At kahit hindi pang-Palanca Award ang pagkakagawa ay pinahalagahan pa rin ito ng aking butihing guro. Binigyan niya ako ng halos perpektong grado. At may mensahe pa sa gilid ng aking marka na nagsasabing may potensyal daw akong maging manunulat at iba pang importanteng mga salita.

Hanggang ngayon nasa akin pa rin ang papel. Hindi ko magawang itapon dahil ito ang aking unang subok na lumikha ng kwento. Unang subok na may biyayang pagganyak. At dahil ito’y isang paalala na marahil, posible ang sinabi ni ma’am. Marahil tama siya. Marahil maaari nga akong maging manunulat…

Ngunit tulad ng pabago-bagong panahon, binagyo din ang puso ko sa mga nakalipas na taon. Kinalimutan ko ang pagmamahal ko sa pagsusulat. Kaya ang mga mata ko ay tumigil na rin sa pagmulat.

Dumating ang buhay kolehiyo. Ang pinakamagulong panahon ng isip ko. Ang pinakamasalimuot na bahagi ng buhay ko. Ang panahon ng pagkalimot kung sino ako. Panahon na kung kapiling ko lang sana ang aking panulat sa pagmulat, ay natulungan ko sana ang aking sarili.

Hindi ko ginawa, kung kailan higit na kailangan. Ikinubli ko ang dusa kahit ang puso ko ay puno ng sigwa.

Sa huli, nangyari na ang hindi pinangarap. Dumaloy na ng ilang ulit ang mga hindi inaasahang luha. Nakilala na ng puso ko ang sakit at pasakit higit sa kahit na anong panahon na dinanas ko dito sa buhay ko.

Ngunit ngayon, niyayakap ko na ang lahat ng ito. Dahil bahagi ito sa bumubuo ng aking pagkatao. Ang pait ng nakaraan ay bahagi ng kasalukuyan. Ang mahalaga ay nagbalik na ako sa tinalikuran. Ang mahalaga ay kinuha ko na muli ang panulat. Ang pinakaimportante ay muli na akong nagsusulat.

Dahil ang pagsusulat ay instrumento upang makilala ang mundo. Ang daan upang makausap at maintindihan ang taong araw-araw sa salamin ay nakatingin sa’yo.

Ako ang alipin ng mga salita. Ngunit ang mga salita ang nagsisilbi sa akin. Nagsisilbi silang tulay mula sa madilim at masalimuot na mundo ng isip ko… papunta sa pagkamulat ng puso ko.

Ako ay alipin ng mga salita. Marahil iyan ang dahilan kung bakit patuloy akong nagsusulat.

woman_writing2

 

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s