Archive for the ‘Iniibig ko ang Pilipinas!’ Category

REUTERS

Larawan mula sa Reuters

Mula high school, nasubaybayan ko na ang mga laban ni Manny Pacquiao. At hindi maitatanggi na isa siya sa maniningning na pangalan na nagbigay karangalan sa bansang Pilipinas nitong mga nakalipas na taon.

Ngunit tulad ng mga dumarating na bagyo sa ating bansa taon-taon, si Pacman ay dumanas din nito. May mga balita noon na siya ay naging manunugal, nambabae, at iba pa. At sino ang makakalimot sa dalawang talo niya bago ang laban nila ni Brandon Rios? Marahil wala. Lalo na ang knockdown na nasapit niya kay Juan Manuel Marquez.

Ang lungkot ko ng araw na iyun. At nasisiguro ko na hindi ako nag-iisa. Ngunit sa pagkatalo niyang ito, may ilan na iniugnay ito sa pagpapalit niya ng relihiyon. At maging si Mommy D ay ito ang nakitang dahilan. Ang masasabi ko? Napakalaking kalokohan. Minsan ang tao, iuugnay sa kahit na anong mga bagay ang pangyayari na hindi nila gustong tanggapin o paniwalaan.

Mabuti at lumiwanag din ang pananaw ng kanyang ina. Dahil tulad ng pahayag niya at ng asawa ni Pacman, nagbago na ito. At base sa kanila, higit na naging mabuting tao.

Samantala, ika-24 ng Nobyembre, 16 na araw matapos gapiin ni Super Typhoon Yolanda ang ating bansa, dumating ang laban ni Pacman kontra Rios.

Malaki ang implikasyon ng laban na ito. Una, kung kaya pa ba talaga ni Pacman ang lumaban dala ng edad niya na 35 taong gulang? Ikalawa, siya ang simbolo o modelo na inaasahan ng ating mga kababayan na nagging biktima ng super typhoon. Bibiguin ba niya?

Kaya tanghali kahapon, binuksan ko ang radyo at nakinig ng live sa DZBB. Hindi ako nanonood sa pay per view. Sayang pera (kuripot? haha). Imahinasyon lang ang puhunan sa radyo. Sasabihin ng mga commentator: 3 punch combination, upper cut, shot to the body, job, at iba pa. Medyo nagulumihan lang ako noong round 10 na dahil sabi ng commentator: nadulas ang tuhod ni Rios. Iyun lang siguro ang nahirapan akong isipin.

Matapos sa radyo ay pinanood ko na ito sa telebisyon. Sa dami ng patalastas, pwede ka munang maligo o maglinis ng 10 kuko sa paa.

Masaya akong makita muli si Pacman. Malinaw na hindi lang siya preparado sa pisikal na aspeto. Bagkus maging sa mental. Di tulad noong laban niya kay Marquez na gigil na gigil siya na maknock out ito. Kaya sa huli, nagkaroon ng lucky punch ang kalaban at siya tuloy ang natumba.

Sa laban na ito, marami tayong matututunan. Una, magpatuloy na lumaban. Usap-usapan na dapat magretiro na si Pacman at tumigil nang lumaban. Ngunit alam ni Pacman na hindi pa katapusan ng karera niya. Kaya nagpatuloy pa rin siya.

Ikalawa, matuto sa pagkakamali. Base sa nakita ko, maraming pagkakataon na bukas ang depensa ni Rios at maaaring bigyan ni Pacman ng pamatay na suntok. O kaya naman, pagkakataon habang nahihilo pa si Rios ay lalo pa sana niyang kuyugin ng mga suntok. Bagkus, naging mas maingat si Pacquiao di tulad ng huling laban niya.

At ikatlo, piliing bumangon. Sa buhay kapag naranasan mo nang bumagsak, isa sa pinakamahirap na gawin ay bumangon. Babalik at babalik sa isipan mo ang sakit. Maaari ring magdudahan mo na ang iyong sariling kakayahan. Ngunit ang mundo ay magpapatuloy ayaw mo man o hindi. Kaya bakit hindi na lamang piliing bumangon. Lalo na’t ito ang unang hakbang sa magsulong. At kung hindi natuto si Pacman bumangon, marahil hindi niya malalasap muli ang tamis ng panalo.

At tulad ng halimbawa ni Pacman, makakaya nating bumangon. Anumang klase ng bagyo ang danasin natin sa buhay, tayo’y makakabangon.

PHILIPPINES-TYPHOON

Larawan mula kay Romeo Ranoco/Reuters

Paano kaya mailalarawan ang kondisyon ng isang tao na literal at di-literal na nakaranas ng bagyo?

Marahil, hindi magiging sapat ang kahit na anong salita upang mailarawan ang sakit at pighati. Marahil, mauuwi sa manhid na mga taenga ang salitang “kaya mo yan,” dahil ang totoo ay tila malayo sa katotohanan. Lalo na kung sila ay nawalan ng minamahal sa buhay.

Hindi ko maipaliwanag ang sakit ng dibdib ko habang nanonood ng balita nitong mga nakaraang araw. Naluha ako nang hindi ko inaasahan. Hindi ako madalas  umiyak. Ngunit kung magkagayon man, ang puso ko ay paniguradong naapektuhan.

Sino ang hindi bibigay ang puso kapag napanood mo ang mga senaryo na dudurog sa puso mo.Tulad ng isang pamilya na nag-iiyakan. Ang nanay na may hawak na sanggol, ang mga matatanda, ang ilang mga bata- lahat sila nag-iiyakan. Walang salita, wala. Pagtangis lang ang tanging namumutawi.

Sa isang paaralan, may ilang nanay na nag-iiyakan. Sa isang lugar na tinawag na “evacuation center” ay doon pala sasapitin ang hangganan. May mga nalunod na tao. Sa isang silid-aralan. Sa gilid. Sa dulo nito. Sa lamesa. Doon nakasampa ang mga bangkay na naghihintay upang maayos na maihimlay.

May isang ama , naglalakad. Sa kanyang bisig nandoon ang tila walang malay na bata. Iyun daw ay kanyang anak. Anim na taong gulang na babae. At patay na.

May isang batang babae. Naglalakad sa kalye matapos humupa ang bagyo. Hinahanap niya ang kanyang ama na namasada ng tricycle sa kasagsagan ng bagyo. Wala kasi silang pangkakain. Kaya nagtrabaho pa rin. Ngunit hindi na siya nakabalik. Usal ko, sana po ay buhay pa ang tatay niya.

May isang mamamahayag, na sa gitna ng trabaho ay sinubok ng nangangalit na hangin at ulan. Maiintindihan mo kung kahit sa kanyang pagkwekwento ay may luha pa ring nagpumilit lumabas. Sila ay nasa isang Cathedral. Kung saan nasaksihan nila ang unit-unting pagkakaalis ng bubungan nito. At animo’y nagbabanta na sila ay babawian ng buhay sa mismong istruktura na itinuring nilang ligtas.

Kung ikaw ay tao, ang makapanood ng ganitong mga senaryo ay tunay tatagos sa puso mo. Isama mo na rito ang pinsala na natamo nila, hindi lang sa pisikal at pinansyal, bagkus pati mental, emosyonal at isama na rin siguro ang ispirituwal.

At dahil sa kawalan na rin ng makakain, ang ilan ay nagnakaw na sa ilang mga establisyamento. Nakapanlulumo. Inisyal kong naisip, “mali ito.” Ngunit paano natin masisisi ang mga taong ito na pagal na at hapo ang isip at katawan. Totoo nga kayang ang mga taong gutom ay nakakakita ng malabo na linya sa pagitan ng tama at mali? Ang sakit isipin na marahil oo.

Walang nangarap na makaranas ng sigwa at bagyo. Walang tao na nagnais na maranasan ito. Ngunit tulad ng paglubog at muling pagsikat ng araw, hindi natin ito kontrolado. Walang nagsabi na magiging madali ang mga bagay, ngunit nasa ating mga kamay ang pagpili na magpatuloy at sumuong sa kalsada ng buhay.

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner (Romeo Ranoco/Reuters).

devina dediva

Minsan talaga ang pangbu-bwisit ng mundo sa’yo ay sunod-sunod ang dating. Kaya’t heto na naman ako at maglalahad ng pang-aagrabyado ng walang isip na tao.

Nitong nakaraang buwan, inabangan ko talaga ang Miss World Coronation Night. Sa tingin ko, napakainteresante talaga ng beauty pageant para sa mga babae. Kuwalipikado ka man o hindi, malamang  ay may naging  pagkakataon noong kabataan mo na nag-ala beauty queen ka rin. O pinangarap mo na rumampa katulad nila. Maging babaeng babae tingnan dahil napakaganda.

Ang isa pang nakakapanabik sa gabing iyun ay ang ideya na wala pang nakakasungkit na Filipina sa mailap na korona ng Miss World. Kaya ang malaman bago pa ang Coronation Night na nag-top si Megan Young sa maraming kategorya, ay lumakas lalo ang paniniwala ko na PANAHON NA NG FILIPINA.

Hangga’t may isang halimaw na nangdusta sa lahing Filipina. Ang ngalan niya ay Devina Sharma also known as Devina DeDiva. At ganito ang laman ng wala niyang laman na puso:

“Miss Philippines is Miss World? What a joke? I didn’t know those maids have anything else in them. Hahaha”

 

“They r poor, smelly from cleaning toilets & uneducated”

 

“They are less privileged everywhere! M surprise one can win. What a joke those people cleaning our toilets won miss world.”

Sinubukan kong tingnan ang FB account ng bruha at totoo nga ang balita na deactivated na.

Una sa lahat, anong masama sa pagiging kasambahay? Ang alam ko lang na masama dito ay yang pagmumukha niya. Ang tao kasi pumapangit kapag nang-aagrabyado ng kapwa niya.

Ikalawa, ang dami niyang paglalarawan sa atin. Pero iba ang nakikita ko. Dahil ang larawang nakikita ko ay matiyagang mga tao na naghahanap-buhay ng walang inaagrabyado. Kahit pa ba paglilinis yan ng banyo, gagawin ito ng maayos ng mga Filipino. Dahil higit na importante ang pagkain ng pamilya kaysa sa iisipin ng katulad ni Devina.

At ikatlo, ilan ba ang toilet nila? 98 million? Ano to lahat tayo naglilinis ng toilet nila? Nasaan ang utak ng babaeng ito. At teka kahit saan daw less privileged tayo? So kilala mo kaming 98M? Ano to stalker ng mga Filipino?

Noong una kong narinig ang balita ukol sa hater na ito, ay hindi ko pa gaano pinansin. Dahil ang totoo niyan, normal na yata sa buhay na may mga taong katulad niya. Kaya nasabi ko lang, “just another hater.” Pero nang malaman ko ang mga pinagsasabi ng taong ito, kumulo talaga ang dugo ko.

Kaya kapag nakita kita Devina DeDiva, may kutos ka sa ‘kin. Para magising ko yang natutulog mong isip.

 

 

*I do not own the posted image. All rights belong to its rightful owner.